Thursday, April 18, 2019

Huebes Santo 2019


Kapatid, may pinagdadaanan ka ba? Naranasan mo na ba ang nagmahal, nasaktan at kahit ganoon pa man ang nangyari patuloy mo pa ring pinapaalala kung gaano mo sya kamahal? Kinalimutan mo ba ang iyong sarili sapagkat ang mahalaga sa iyo ay ang kapakanan ng minamahal mo? Nasaktan ka na ba dahil ang minahal mo ay nagawa pang talikuran ka kahit ibinigay mo na ang lahat ng makakaya mo para sa kanya? Naranasan mo ba na kahit ilang ulit ka na niyang sinaktan, ipinahamak at iniwan pilit mo pa ring pinapahiwatig sa kanya kung gaano mo siya kamahal na kaya mong hintayin ang araw na maaalala ka rin niya?

Kapatid, hindi ka nag-iisa. Ang karanasan mo ay siya ring naging karanasan ng ating Panginoong Hesus. Isang araw ng Huwebes noon, si Hesus at ang Kanyang mga mag-aaral ay nagtitipon-tipon sa isang silid para sa isang pagsasalo-salo. Pagkatapos nilang kumain ng hapunan, hinugasan ni Hesus ang mga paa ng Kanyang mga mag-aaral (John 13: 14-17). Ang akma ng paghuhugas ng paa ay di maituturing na kakaiba sapagkat nagawa na ito ni Abraham sa panahon niya (Genesis 18:4). Mababasa din sa Ebanghelyo ni San Lukas ( 7:44-47), na pinuri ni Hesus ang paghugas ng kanyang mga paa ng isang babae gamit ang kanyang mga luha upang basain ang mga ito at saka pinunasan gamit naman ng babae ang kanyang buhok. Sa Ebanghelyo din naman ni San Juan (12: 1-7), isinulat na hinugasan ni Maria Betania ang mga paa ni Hesus gamit ang isang mamahaling pabango at saka pinunasan ng kanyang buhok. Maaari nating sabihin na isang pangkaraniwang gawain lamang ang paghuhugas ng paa ayon sa Bibliya. Pero ano ba ang meron para gunitain natin ang paghuhugas ng paa ni Hesus sa Kanyang mga mag-aaral? Sa totoo lang hindi naman ang paghugas ng mga paa lang ang binibigyan natin ng diin sa araw na ito kundi higit sa lahat ang sinabi ni Hesus sa Kanyang mga mag-aaral kung bakit Niya hinugasan ang kanilang mga paa. Ang sabi ni Hesus, “Tinatatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka’t ako nga. Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangag-hugasan ng mga paa ng isa’t isa.” Mas lalong mauunawaan natin ang malalim na pananalita ni Hesus tungkol sa kahulugan ng paghuhugas ng mga paa kung pakinggan natin ang mga salitang ito ni Hesus, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangag-ibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo; ay mangag-ibigan naman kayo sa isa’t isa.” Sa maikling salita, ang paghuhugas ni Hesus ng mga paa ng kanyang mga mag-aaral ay isang pagsasalarawan ng kanyang dakilang pagmamahal. Si Hesus na isang Panginoon, ang nag-iisang anak ng Diyos, pinaglingkuran ang kanyang mga mag-aaral kahit na sila ay mga tao lamang. Si Hesus na anak ng Diyos ay handang maglingkod nang may kapakumbabaan at walang pagtatangi sa ngalan ng pag-ibig kahit sila ay mga tao lamang.

Pero ano ang isinukli ng kanyang mga mag-aaral sa ipinamalas Niyang dakilang pagmamahal? Ipinagkanulo ni Hudas si Hesus. Ikinaila naman ni Pedro si Hesus ng tatlong beses. Nagduda si Tomas na muling mabuhay si Hesus. Naglaho na parang bula naman ang ibang mga mag-aaral ni Hesus habang siya ay nililitis, pinahirapan at pinatawan ng parusang kamatayan batay sa mga bintang lamang laban ng mga ayaw sa Kanya.

Alin po ba ang mas masakit? Ang ipako si Hesus sa Krus o yong iwanan siya ng mga minahal niyang mag-aaral na nag-iisa? Ayon sa Ebanghelyo ni San Mateo (26:56), “Nang magkagayon, iniwan siya ng mga alagad at sila ay tumakas.” Di po ba mas nadagdagan pa ang sakit kung tinakasan ka ng mahal mo sa buhay kung kailan hirap na hirap ka na nga sa mga pinagdadaanan mo at ang kinakailangan mo ay isang karamay? Di po ba ang sagwang tingnan na namuhay ang mga mag-aaral ni Hesus sa loob ng tatlong taon na kasama siya at nakilahok pa sa Kanyang mga himala at kapurihan, ngunit sa kabila nito, walang nangahas sa kanilang tulungan siya na buhatin ang kaniyang krus? Sa Ebanghelyo ni San Marcos (15:21), isinulat na kinakailangan pang pilitin si Simon na taga Cirene na samahan at pasanin niya ang krus ni Hesus. Nasaan na ang mga tinulungan ni Hesus? Nasaan na ang mga pinagaling ni Hesus? Nasaaan na ang mga minahal ni Hesus? Marahil masasabi na nga natin na si Hesus ay nagmahal ngunit nasaktan.

Pero hindi sa pagkabigo natatapos ang pagmamahal ni Hesus. Alam niya ang kahinaan ng kanyang mga mag-aaral. Alam niya na masasaktan siya sa pagtalikod sa kanya ng kanyang mga mag-aaral. Gayon pa man hangad niyang ipa-alala sa kanila na mahal na mahal niya sila. Ito ay nasaikatuparan sa tuwing ginaganap ang paggunita sa Huling Hapunan kung saan sinabi ni Hesus, “Gawin ninyo ito sa pag-aala-ala sa akin” at kung saan din sinabi niya, “Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo” (Lukas 22:19-20). Ang Huling Hapunan ay nagsilbing tanda sa mga mag-aaral ni Hesus na handa siyang magpatawad sa kanila bago pa man din sila magkasala sa kanya. Ipinadarama ni Hesus tuwing ginugunita ang Huling Hapunan na ang pagmamahal niya ay mas higit pa sa pinakamalaking kasalanan nagawa laban sa kanya. Si Hesus ay nagmahal, nasaktan at kahit ganoon pa man ang nangyari patuloy niya pa ring pinapaalala kung gaano niya kamahal ang lahat. Iiwanan lang siya pero hindi siya ang mang-iiwan. Masasaktan lang siya pero patuloy siyang magmamahal.

Kapatid, may pinagdadaanan ka ba? Nagmahal at nasaktan ka rin ba gaya ni Hesus? Napapagod ka na ba sa iyong buhay? Ngayong Huwebes Santo, pinapa-ala-ala sa iyo ni Hesus na mahal na mahal ka nya at tandaan mong hinding hindi ka mag-iisa sapagka't sa iyo ay sasabihin niya:

Huwag kang mangamba, ‘di ka nag-iisa. Sasamahan kita, saan man magpunta. Ika’y mahalaga sa ‘King mga mata. Minamahal kita. Minamahal kita.